LAOAG CITY – Kinumpirma ng hindi pinangalanang isang abogado sa Iligan City ang pagkupkop nila sa anim na pamilya mula sa Marawi City matapos ang nangyaring kaguluhan dahil sa paglusob ng Maute Group sa lugar.

Sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo Laoag sa nasabing abogado, na ayaw ipabanggit sa ere ang pangalan, sinabi niya na maliban sa mga anim na pamilya na kinupkop nila sa kanilang bahay ay tumutulong din sila sa mga nasa evacuation centers.

Tiniyak niya na gagawin nila na kanyang asawa na isa ring doktora ang lahat para matulungan nila ang mga naapektuhang residente sa Marawi City.

Iginiit niya na hindi nila pwedeng pabayaan ang mga ito dahil mas magiging kaawa-awa lamang sila kung walang gustong tumulong para makabangon ang mga ito.

Paliwanag ng nasabing abogado, dahil sa dami ng miyembro ng anim na pamilya na kinupkop nila ay pati ang kanilang garahe ay puno na rin.

Dagdag pa niya, hangga’t hindi humuhupa ang kaguluhan sa Marawi City ay mananatili ang mga nasabing pamilya sa kanilang bahay.

Samantala, umapela naman ang nasabing abogado sa publiko na kung maari ay tumulong sila sa mga evacuees.

Nakahanda naman ang mga kaibigan ng nasabing abogado  sa Ilocos Norte na magbigay ng tulong sa mga evacuees sa Marawi City.